Gordon, ikinatuwa ang charity event nina Ravena at Valdez
Ikinagalak at pinuri ni Philippine Red Cross (PRC) chairman at senatorial candidate Richard Gordon ang mga manlalarong sina Kiefer Ravena at Alyssa Valdez.
Ito ay dahil sa inorganisang “Fastbr3ak” charity volleyball event ng dalawa para sa mga nasalanta ng bagyong Nona, at ang kinita nito na umabot sa P500,000 ay idinonate ng dalawa sa Red Cross.
Ayon kay Gordon, nagsilbing mabuting ehemplo ang dalawa sa karamihan at pinatunayang hindi lang sila basta sikat.
Aniya, sina Ravena at Valdez ay hindi tulad ng ibang kilalang personalidad na hindi magandang ehemplo ang pinakikita sa karamihan.
Ang mga tulad ng dalawang atleta ani Gordon ang kailangan ng bansa.
Sinabi naman ni Ravena na gusto lamang nilang patunayan na kahit sila ay bata pa, kaya nilang bumuo o mag-organisa ng events na may patutunguhang kawanggawa.
Naniniwala siya na kung ang intensyon nila ay makatulong sa mga nangangailangan, marami ang magiging handang tumulong sa kanilang misyon.
Dagdag pa ni Gordon, bagaman maraming kamalian sa ating bansa, ang mga ginagawa ng tulad nina Ravena at Valdez ay isa sa mga magagandang bagay na dapat namang ikatuwa at pagtuunan ng pansin sa ating bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.