Ayon kay Romualdez, kung maisasakatuparan ang mga panukala partikular ang pagpapataw ng buwis sa alak, property valuation at capital income tax ay maaaring magtagumpay ang gobyerno sa adhikain nito.
Ang pangunahing prayoridad aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalabing tatlong taon ay ang iahon sa kahirapan ang mga Pilipino kaya dapat samantalahin ang tinatamasa ngayong kaunlaran at tiyaking matutupad ang mga programa at polisiya.
Paliwanag pa ni Romualdez, nagsisilbing “lifeblood” ng gobyerno ang buwis dahil kailangan nito ng sapat na pondo para sa maayos na operasyon at mapaglingkuran ang taumbayan.
Pero paglilinaw ng kongresista, bahagi ng kanilang mandato na konsultahin ang publiko kapag nagpapataw ng karagdagang buwis kaya siniguro nito na ang aaprubahang mga panukala ay katanggap-tanggap para sa lahat.
Kabilang sa mga panukalang isinusulong ay ang tatlong packages ng Comprehensive Tax Reform na naglalayong ibaba ang corporate income tax at rationalization ng incentives, reporma sa real property valuation system, at ang pagbubuwis sa nakalalasing na inumin na makatutulong naman na pondohan ang Universal Health Care.