Pamaskong mensahe ni Pope Francis, naka-sentro sa kapayapaan
Pag-asa at kapayapaan.
Ito ang mga ipinanawagan ni Pope Francis sa kaniyang mensahe ngayong Pasko na inihatid niya sa “Urbi et Orbi” address na inaabangan ng mga pilgrims mula sa iba’t ibang panig ng mundo, na isinagawa niya sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica.
Muling kinondena ng Santo Papa ang brutal na karahasan at terorismong nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo, partikular na sa France, Mali, Lebanon, Egypt at Tunisia na ilan sa mga pinakahuling nakaranas ng madugong pag-atake.
Dahil dito, nananalangin siya na matigil na ang mga karahasan at tensyon, pati na rin ang pagbabalik ng dayalogo sa pagitan ng mga Israelis at Palestinians upang magkasundo na at magkaroon ng kapayapaan.
Ipinagdarasal rin ni Pope Francis na maging matagumpay ang misyon ng United Nations na matigil na ang karahasan sa Syria, pati na rin sa Iraq, Libya, Yemen, Ukraine, Colombia, Burundi, South Sudan, Democratic Republic of Congo at sub-Saharan Africa.
Bukod sa terorismo, nanalangin siya na sana’y mabigyang pansin ng Diyos ang mga indibidwal at estadong walang sawang tumutulong sa mga migrants at refugees.
Sa kaniya namang Christmas Eve mass, pinayuhan niya ang mga Katoliko na huwag magpakalunod sa kapangyarihan at kayamanan.
Mensahe rin niya na alalahanin at gawing inspirasyon ang pagiging simple noong sanggol pa lamang si Hesukristo at noong siya ay isinilang sa sabsaban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.