Sa kanyang privilege speech araw ng Lunes, sinabi ni Lacson na hindi maitatanggi ang ‘conflict of interest’ nang maipanalo ng Doctors Pharmaceuticals, Inc. ng pamilya Duque ang supply contracts mula sa national government taong 2016 at 2017.
Ayon sa senador, nakadiskubre siya ng kopya ng naturang mga kontrata na nai-award sa DPI kung saan ang isa ay nagkakahalaga ng higit P3 milyon.
Naitalaga muling Health Secretary si Duque taong 2017 ngunit sinabi ni Lacson na ang kumpanya ng kalihim ay nakakakuha pa rin ng kontrata sa gobyerno hanggang ngayon.
Bago makabalik sa DOH, ay nagsilbing chairman ng Civil Service Commission (CSC) si Duque.
Tanong ni Lacson, ‘coincidence’ o nagkataon lang bang naging accredited government contractor at supplier ang DPI sa parehong taon na nakumpirma ng Commission on Appointments si Duque bilang kalihim ng DOH noong 2005 sa ilalim ng Arroyo administration.
“Is it just a mere coincidence that Doctors Pharmaceuticals, Inc. became an accredited government contractor and supplier on the same year that Sec. Duque was confirmed by the Commission on Appointments as Secretary of Health during the Arroyo administration in 2005?” ani Lacson.
Sinabi pa ni Lacson na bilang dating chairman ng CSC, si Duque dapat ang mas nakakaalam ng code of conduct.
Iginiit naman ng senador na walang nangyayaring personalan at ang mga katanungan niya ay para lamang masigurong hindi naaabuso at nagagamit sa tama ang pera ng gobyerno.
Ayon pa kay Lacson, ang kanyang pagbubunyag sa DPI ay hindi lamang sa ‘conflict of interest’ kundi dahil din sa hindi magandang reputasyon nito.
Sinabi ng senador na taong 2015, sa ilalim ni Secretary Janette Garin ay inutusan ng Food and Drug Administration ang DPI na huwag nang magbenta ng gamot dahil sa napakaraming paglabag at product recall.
Sa kabila ng cease and desist order, sinabi ni Lacson na nakakuha pa rin ang DPI ng license to operate bilang drug manufacturer noong April 2016.
“When the pharmaceutical company that is awarded a contract to supply medicines to the DOH does not observe good manufacturing practice, does this not pose a threat to the health and safety of our public?” ani Lacson.