Mayor Isko sa mga opisyal ng barangay: ‘Tigilan niyo na ang ampalaya’
Hinimok ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga opisyal ng barangay, partikular ang mga hindi bumuto sa kanya noong May elections, na mag move one at tumulong na lang sa kanyang plano para sa lungsod.
Sa flag-raising ceremony sa city hall araw ng Lunes, sinabihan ni Moreno ang mga barangay officials na gawin ang kanilang papel sa paglilinis ng mga pampublikong lugar sa syudad gaya ng mga parke at kalsada.
Ayon sa Alkalde, hindi na kailangan ng mga opisyal ng mga barangay na hintayin ang memo mula sa lokal na pamahalaan para linisin ang kanilang mga lugar.
“Tulungan niyo naman kami. Tigilan niyo na ang ampalaya. Move on. Mapait iyan. Ang ampalaya, mabuti iyan sa diabetes, pero sa paglilingkod sa bayan, masama iyan. Move on na tayo. Tutal, may tungkulin din naman kayo sa inyong barangay, gampanan niyo lang. Eh di, masaya ang inyong kapitbahay,” ani Moreno.
Kasabay nito ay sinabihan naman ni Mayor Isko ang mga tao na bibisita sa mga parke sa Maynila gaya ng Bonifacio Shrine na huwag mag-iwan ng basura sa lugar.
“Yung mga basura ibulsa niyo naman. Maglalagay ng sisidlan sa kapaligiran. Dumating kayo na malinis, umalis kayo na malinis. Sana pagmalasakitan niyo rin ang pinagmamalasakitan natin.”
Gayundin ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Maynila na gawin ang kanilang parte simula sa kanilang workstations.
“Linis linis din ‘pag may time. Diyan lang sa ledgi ledgi, bandang nanka, bandang wakali, at bandang kodli,” ani Mayor Isko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.