Phivolcs, pinatitiyak na susunod sa building code ang Batanes residents
Iginiit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na dapat alinsunod na sa building code ang mga itatayong istruktura sa Batanes matapos ang malakas na lindol noong Sabado.
Sa isang panayam, pinatitiyak ni Science Undersecretary at Phivolcs director Renato Solidum Jr. sa local engineers ng Batanes na masusunod ang building code at gagamit ang mga residente ng tamang materyales.
Iginiit ni Solidum na karamihan sa mga bahay at building sa Batanes ay gawa sa limestone na madali umanong bumagsak kapag niyanig.
Bagaman matibay laban sa mga bagyo ang limestone structures ay hindi naman ito angkop para sa mga lindol.
Pinayuhan ang provincial engineers na usisain muna ang lugar bago payagang bumalik ang mga residente sa kanilang mga lugar.
Samantala, nagbabala rin ang Phivolcs sa posibilidad ng pagguho ng lupa sa mga malapit sa bundok dahil nag-uuulan sa Itbayat.
Ang limestone structures na daang-taon nang nakatayo sa Batanes ay isa sa mga dinarayo ng mga turista.
Dahil dito, umaasa si dating Batanes congressman Florencio Abad na tutulong ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa muling pagsasaayos sa natureng mga heritage structures.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.