Magbibigay si Pangulong Rodrigo Duterte ng P40 milyong tulong sa Batanes.
Sa press briefing sa Basco airport, inihayag ng pangulo ang halaga ng ibibigay na tulong-pinansyal para sa pagsasaayos sa epekto ng tumamang 5.9 magnitude na lindol sa nasabing lugar, Sabado ng umaga.
Gamit ang pondo, sinabi ng pangulo na umaasa siyang makapagpapatayo ng maliit na klinika para sa mga residente sa lugar.
Hindi kasi aniya siya pabor sa pagsasaayos ng klinika dahil masyadong mahal at hindi tiyak ang tibay nito.
Sinabi rin ng pangulo na ipagpapatrolya niya ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Batanes islands.
Samantala, nagsagawa rin ng aerial inspection sa Batanes si Pangulong Duterte kasama sina Senator Christopher “Bong” Go at Batanes Governor Marilou Cayco.