Pag-veto ni Pangulong Duterte sa Security of Tenure Bill, pansamantala dagok lang – Malakanyang
Temporary setback o pansamantalang dagok lamang sa Pilipinas ang pag-veto o hindi pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Security of Tenure Bill o ang panukalang batas na tutuldok sana sa ilegal na kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na tinitingnan din kasi ng pangulo ang panig ng management dahil kapag tuluyang nagsara ang mga negosyo, tiyak na mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa.
Ayon kay Panelo, may panahon pa ang mga mambabatas na bumalangkas ng bagong batas para matuldukan ang endo o end of contractualization sa mga manggagawa.
Naumpisahan na aniya ni Pangulong Duterte na tugunan ang hinaing ng mga manggagawa nang magpalabas ng executive order para tapusin ang endo sa sangay ng pamahalaan.
“Naumpisahan na nga, so kung naumpisahan na, tuloy tuloy na yan. Temporary setback lang yan sa parte ng working class, kais tinitignan din ni presidente ang panig ng management kasi ang masisira ay ang mangagawa natin, maraming mawawalan ng trabaho, kasi pag nagsara na ang mga kumpanya, paano pa? Saan sila pupunta?,” pahayag ni Panelo.
Naka-focus aniya ang pangulo sa kanyang tungkulin na iangat ang kalagayan ng mga manggagawa at magkaroon ng security of tenure.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.