Panalangin ang hiling ni Batanes Bishop Danilo Ulep para sa mga mamamayan ng Batanes na lubhang naapektuhan ng magkasunod na lindol na yumanig sa lugar at nagtala ng walong patay Sabado ng umaga, July 27,2019.
Patuloy pa aniya ang ginagawa nilang pag momonitor sa isla ng Itbayat sa Batanes dahil hanggang ngayon ay pahirapan pa rin ang pagpunta sa naturang lugar.
Nananalangin din ang Obispo na sana ay makagawa ng paraan ang gobyerno at mga militar upang makapaghatid ng tulong at makapagsagawa ng rescue mission sa nasabing lugar.
Patuloy pa aniya ang pagkalap nila ng mga impormasyon ukol sa lawak ng tinamong pinsala ng lalawigan dahil sa nangyaring pagyanig partikular na ang simbahan ng Itbayat na gumuho ang ilang bahagi at nagkabitak bitak ang pader.
Samantala, malakas at matibay na pananampalataya naman ang dalangin ni Bishop Ulep na nawa’y ipagkaloob ng Panginoon sa bawat isang naapektuhan sa nangyaring insidente lalong lalo na ang mga kaanak ng mga taong nasawi sa pangyayari.