Sanggol nilunod sa timba ng sariling ina sa Cebu

By Marlene Padiernos July 27, 2019 - 07:51 PM

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol matapos umano itong lunurin ng kanyang sariling ina sa timba ng tubig sa loob ng isang dormitoryo sa Cebu City, Biyernes ng gabi.

Ayon sa kwento ng lolo ng biktima, pansamantala niyang iniwan ang sanggol kasama ang ina nito para bumili ng tubig ngunit sa kanyang pagbabalik ng tinanong niya ang ina ng sanggol kung asan ito, ang tanging sagot lamang ng suspek ay hindi umano niya kilala ang batang nasa loob ng banyo.

Nang magtungo ang lolo sa nasabing banyo ay ang walang malay na apo na nakababad sa timba na puno ng tubig ang tumambad sa kanya.

Agad niyang isinugod sa pagamutan ang sanggol na siya ring agad na binawian ng buhay.

Ipinagbigay alam niya sa mga awtoridad ang nangyaring insidente kung kaya’t agad namang nahuli ng mga pulis ang 31-anyos na ina ng sanggol.

Base sa salaysay ng lolo, sila ay nagmula pa sa lalawigan ng Lanao del Norte at nagtungo lamang sa Cebu para umano’y magpagamot sa isang albularyo dahil sa pabalik-balik na sakit ng sanggol.

Ayon naman kay Police Staff Sgt. Andrew Denila ng Waterfront Police Station, kakaiba na ang mga kinikilos at pananalita ng suspek bago mangyari ang insidente.

Dagdag ng lolo, dati na nila ipinatingin sa espesyalista ang suspek makaraang makaranas ng depresyon.

Sa ngayon ay nakapiit na ang ina ng biktima sa Waterfront Police Station at nakatakdang sumailalim sa mga pagsusuri upang malaman ang posibleng kondisyong dinadanas nito.

Samantala, mahaharap parin sa kasong parricide ang suspek.

 

TAGS: Cebu City, Lanao del Norte, Police Staff Sgt. Andrew Denila, Sanggol nilunod sa timba ng sariling ina sa Cebu, Waterfront Police Station, Cebu City, Lanao del Norte, Police Staff Sgt. Andrew Denila, Sanggol nilunod sa timba ng sariling ina sa Cebu, Waterfront Police Station

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.