Umaapela ang pamunuan ng Philippine Airlines (PAL) sa mga pasahero na huwag magbibitaw ng mga salita o mga biro na maaaring magdulot ng takot sa paliparan.
Kasunod ito ng bomb joke na kinasasangkutan ng isang mambabatas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni PAL spokesperson Cielo Villaluna, nangyari ang bomb joke habang ini-inespeksyon ang bag ni Association of Philippine Electric Cooperatives (APEC) partylist Rep. Sergio Dagooc.
Nabatid na papasakay ang mambabatas sa eroplanong patungo ng Cagayan de Oro bandang 3:50 ng hapon at habang ini-inspeksyon ang kanyang bag ay tinanong siya ng check-in agent kung ano ang laman nito.
Sumagot naman si Dagooc ng “clothes” pero inalam pa ng agent kung ano ang iba pang laban ng bag at dito na niya sinabi ang “bomba.”
Dahil dito, naghain ng reklamo ang PAL laban kay Dagooc.
Ang anumang bomb joke ay mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law.
Sinumang lalabag ay may katapat na parusa na limang taong pagkakakulong at multang aabot sa P40,000.