PNP ipapasara na ang mga PCSO outlets sa buong bansa

Nagbigay na ng direktiba si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde sa lahat ng police regional offices na ipasara ang mga outlet ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa buong bansa.

Ito ay bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tigil na ang operasyon ng Lotto, Small Town Lottery (STL), Keno, Peryahang Bayan at lahat ng gaming schemes na may permit mula sa PCSO.

Ayon kay Albayalde, magkakaroon sila ng augmentation force para ipatupad ang direktiba ng Pangulo.

Pupuntahan anya ng mga pulis ang mga PCSO outlets at iba pang betting areas at aarestuhin ang sinumang lumabag sa utos.

Wala namang nakitang problema ang PNP Chief dahil ang Pangulo anya mismo ang nag-utos.

Tama lang anya ang Pangulo dahil mayroong mga iregularidad sa PCSO gaming operations kabilang ang hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Dahil walang sinabing eksaktong paraan ng implementasyon ay bahala na ang PNP sa kanilang magiging hakbang.

Aminado naman si Albayalde na dahil tigil na ang PCSO games ay posibleng lalong umusbong ang illegal number games gaya ng jueteng.

Pero tiniyak naman ng Heneral na may umiiral na one strike policy ang PNP kaugnay ng illegal number games.

Nanawagan din si Albayalde sa publiko na suportahan ang utos ng Pangulo.

 

Read more...