PH Red Cross: Suplay ng dugo sapat sa kabila ng dengue outbreak
Tiniyak ng Philippine Red Cross (PRC) na sapat ang suplay ng dugo para sa mga dengue patients sa kabila ng outbreak ng sakit sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang pahayag araw ng Biyernes, sinabi ni PRC Chairman at Sen. Richard Gordon na nagdodoble-kayod ngayon ang kanilang 93 blood service facilities sa buong Pilipinas para matiyak ang suplay ng dugo lalo na ang ‘plasma’ at ‘cryoprecipitate’.
Ang naturang mga dugo ay ginagamit para maiwasan ang hemorrhagic complications kaugnay ng mosquito borne disease.
Sakali man anyang may isang pasilidad na bumagsak sa critical level ang suplay ng dugo ay aalamin kung saan makakakuha ng karagdagang dugo.
“We keep track of the supplies in all our blood facilities in the country. In the event the blood supply in a specific facility drops to a critical level, we will know immediately which nearby facility can provide additional products,” pagtitiyak ni Gordon.
Nakapagpadala na ang PRC National Blood Services ng kabuuang 165 units ng frozen blood products para sa Iloilo at Aklan.
Bukod sa pagsiguro sa suplay ng dugo una nang nakapagpadala at nakapagpatayo ng medical tents ang PRC sa Western Visayas.
Samantala, alinsunod sa direktiba ni Gordon, puspusan ang pagsasagawa ngayon ng information at clean up drives kontra dengue sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Iginiit ng Red Cross na ang laban kontra dengue ay laban ng bawat isa kaya’t hinimok ang publiko na magkaisa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.