Pulisya itinangging vigilante group ang nasa likod ng mga pagpatay sa Central Visayas

Itinanggi ng pulisya na ang mga vigilante ang responsable sa mga pagpatay sa Central Visayas.

Sa isang press briefing, pinabulaanan ni Central Visayas Police Regional Office Director Police Brig. Gen. Debold Sinas ang presensya ng vigilante group sa rehiyon.

Ito ay makaraang maitala ang 11 insidente ng pagpatay sa Negros Oriental ngayong linggo kung saan huli ang dalawang suspek araw ng Biyernes.

Ayon kay Sinas, posibleng nagpapatayan ngayon ang mga miyembro ng isang drug organization.

May koneksyon anya ang tatlong lalaking nasawi simula araw ng Huwebes sa drug lord na si Steve Go, na napatay ng kapwa inmate sa Mandaue City Jail noong June 2018.

Nasawi rin sa isang police operation si Girly Luage na pumalit kay Go para pangunahan ang operasyon ng droga.

Ayon kay Sinas, ang iba pang lider ng drug group ay nais buhayin ang grupo ngunit pinagsususpetsahan nilang ang ilang miyembro ay asset ng pulisya kaya’t nahuli si Luage.

Posible umanong mensahe ang mga pagpatay sa iba pang miyembro ng gang o hindi kaya ay mailihis ang atensyon ng pulisya sa imbestigasyon.

Tiniyak naman ni Sinas na hindi dapat maalarma ang publiko sa mga pagpatay dahil ang mga nasasawi ay may hindi malinis na background.

“We are concerned with the series of the killings because we don’t toleerate this kind of activities. But the public should not be alarmed. If you check the background of those being killed, it should be the criminals who should be alarmed,” ani Sinas.

 

Read more...