Nagsagawa ang lalawigan ng Isabela ng malawakang paglilinis bilang kampanya laban sa dengue.
Ito ay matapos na umabot sa 2,583 ang mga nagkasakit ng dengue sa probinsya mula Enero hanggang ngayong Hulyo.
Ayon sa Provincial Health Office, sa naturang bilang ay 15 pasyente na ang namatay.
Pangunahing minomonitor ng provincial government ang Ilagan City.
Ayon kay Provincial Health Officer II Dr. Nelson Paguirigan, halos 130% ang pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan kumpara noong nakarang taon.
Nakakaalarma anya ito lalo’t patuloy ang pagdami ng mga nagkakasakit.
Dahil dito ay kinansela ang mga klase araw ng Biyernes at nagsanib-pwersa ang mga residente at naglinis sa mga bahay, eskwelahan at ilang lugar.
Tumulong din ang pribadong sektor gayundin ang militar sa paglilinis.