Sen. Joel Villanueva dismayado sa pag-veto ni Pangulong Duterte sa ‘End Endo Bill’
Sa labis na pagkadismaya, nag-post na lang ng mga malalim na pahayag si Senator Joel Villanueva, bunsod nang pag-veto ni Pangulong Duterte sa ‘End Endo’ Bill.
Umasa si Villanueva na magiging ganap na batas ang itinulak niyang panukala dahil ang pagtutuldok sa kontraktuwalisasyon ang isa mga ipinangako ng Punong Ehekutibo noong 2016 campaign at sinertipikahan pa ito na ‘urgent’ noong nakaraang taon.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Villanueva na mas naging matimbang ang pangamba na malugi sa negosyo sa kapakanan ng mga manggagawa dahil sa naging hakbang ni Pangulong Duterte.
Sinabi nito na ang layon ng Security of Tenure Bill ay para makiisa sa intindihin sa mga gastusin ng mga manggagawa.
Noon Mayo, ipinasa na ng Senado ang panukalang batas at isang araw matapos ang huling SONA ni Pangulong Duterte noong Lunes, ay positibo pa rin ang senador na magiging ganap na batas ang End Endo Bill at sinabi pa nito na sang-ayon sa kanya ang DOLE, Department of Trade at Department of Finance.
Binalewala ni Pangulong Duterte ang panukalang-batas sa paniniwala na madedehado ang mga negosyante.
Samantala, hindi na ikinagulat ni Sen. Risa Hontiveros ang ginawa ni Pangulong Duterte dahil aniya kilala naman ito na urong-sulong sa maraming pahayag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.