Pagsasara ng ilang beach resort sa El Nido, Palawan inirekomenda ng DILG
Inirekomenda ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pansamantalang pagsasara ng ilang beach resort sa El Nido, Palawan.
Ayon kay DILG Usec. Epimaco Densing, nakasaad sa rekomendasyon ang pagpapasara ng hindi bababa sa tatlong buwan sa mga resort sa tatlong barangay sa Bacuit Bay at isang Barangay sa Corong-Corong.
Ito ay makaraang matuklasan ang mataas na fecal coliform levels sa tubig sa nasabing mga lugar.
Inirekomenda din ng DILG ang pagbuo ng inter-agency task force para sa El Nido kasama ang Department of Tourisim (DOT) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ani Densing, una silang nakatanggap ng report mula sa mga turista hinggil sa maruming tubig sa ilang beach resort.
Ito aniya ang dahilan kaya nagtungo doon ang team mula DILG para masuri ang fecal coliform level sa tubig.
Sa kasagsagan ng pagpapatupad ng closure ay hindi papayagan ang water activities at paliligo sa mga apektadong lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.