Ayon sa World Boxing Council (WBC), pumanaw ang Argentine boxer na si Super lightweight Hugo Santillan, 23 anyos limang araw matapos ang kaniyang laban.
Pumanaw si Santillan sa Buenos Aires Hospital habang ginagamot sa mga pinsalang kaniyang natamo sa laban nila ni Uruguayan boxer Eduardo Avreu.
Nagpaabot naman ang WBC at presidente nitong si Mauricio Sulaiman Saldivar ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing boxer.
Sumailalim si Santillan sa operasyon dahil sa blood clot sa kaniyang utak.
Dalawang beses itong nagkaroon ng cardiorespiratory failure bago tuluyang pumanaw dahil sa cardiac arrest.
Sa 4th round ng laban ay dumugo na ang ilong ni Santillan pero natapos pa nito ang laban at tuluyang nag-collapse nang ianunsyong ‘draw’ ang resulta ng match.
Magugunitang noong isang araw pumanaw din ang Russian boxer na si Maxim Dadashev sa edad na 28 matapos magtamo ng brain injuries sa laban niya sa Maryland.