Wala pa ring patunay na may IS sa bansa – AFP
Muling iginiit ng mga militar na walang solidong ebidensyang nagpapatunay na namamayagpag sa Mindanao ang teroristang grupong Islamic State (IS).
Ito’y kahit pa sinabi nina Ungkaya Pukan Mayor Joel Maturan at Cotabato City Mayor Japal Guiani Jr. na nagsasagawa ng recruitment ang IS sa kani-kanilang mga lugar, na agad ikinaalarma ng marami matapos umanong maka-rekober ang mga militar ng bandera ng IS sa isang engkwentro sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Western Mindanao Command commander Maj. Gen. Mayoralgo dela Cruz, iniiwasan nila ang basta-bastang pag-uugnay ng IS sa Abu Sayyaf dahil wala pa naman silang sapat na ebidensyang magpapatunay rito.
Ito ang kanilang reaksyon matapos lumabas ang isang video sa internet kung saan nananawagan ang isang lalaki sa mga Muslim na makiisa sa kanilang pakikipaglaban kontra mga hindi Muslim.
Ayon naman kay Brig. Gen. Allan Arrojado ng Army 501st Infantry Brigade, hindi rin niya kukumpirmahin ang presensya ng IS sa Sulu, lalo pa’t maari din itong makapagpalakas sa kanilang propaganda.
Kamakailan rin lamang, mayroong lumabas na video kung saan makikita ang umano’y kuta ng IS kung saan sila nagsasanay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.