Isa patay, 2 sugatan sa military airstrike sa Maguindanao

Patay ang isang ginang habang sugatan ang kaniyang asawa at apo sa airstrike ng militar laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pagitan ng Maguindanao at Cotabato.

Ayon kay Army Major Homer Estolas, 6th Infantry Division spokesperson, inilunsad ng mga tauhan ng Philippine Air Force ang airstrike, alas 3:30 ng madaling araw ng Huwebes (July 25) laban sa grupo ni Abu Toraife.

Tinamaan ng airstrike ang isang bahay sa Sitio Butilen sa Barangay Kabasalan na ikinsawi ng senior citizen na si Misbah Masla.

Nasugatan din ang mister niya na si Ali, at 10 taong gulang nilang apo na si Edwin Masla.

Dinala na sa Cruzado Medical Clinic ang maglolo para magamot.

Kinumpirma ni Brigadier General Alfredo Rosario, commander ng 602nd Army Brigade na naka-base sa Cotabato na may tinamaang bahay sa aerial assault.

Pero ayon kay Rosario, ang may-ari ng bahay na si Ali Masla ay miyembro umano ng BIFF.

Sinabi ni Rosario na inilunsad nila ang airstrikes at ground assaults matapos maberipika at makumpirma ang intelligence information na si Commander Abu Toraife at Salahuddin Hassan kasama ang ilang dayuhang terorista ay namataan sa naturang barangay.

Ginawa aniya ang pag-atake para sirain ang bomb-making facilities ng BIFF sa lugar.

Read more...