Pinay na nanganganib na mabitay sa Malaysia dahil sa ilegal na droga, tutulungan ng Malakanyang

By Chona Yu July 25, 2019 - 09:00 AM

Hindi magdadalawang-isip ang Malakanyang na ayudahan at bigyan ng libreng legal assistance ang Filipina na naaresto sa Malaysia na nakumpiskahan umano ng 5.9 kilo ng shabu.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo dapat na munang ipalagay na inosente ang hindi pinangalanang Filipina at hindi isang drug pusher o drug trafficker.

Dagdag ni Panelo, nakahanda ang pamahalaan ng Pilipinas na gamitin ang lahat ng legal remedies sa ilalim ng Malaysian legal system kung sakali mang mahatulang guilty ng Malaysian court ang 32-anyos na Pinay na inaresto sa isang bahay sa Manggatal, Kota Kinabalu.

Pero ayon kay Panelo, kung mapapatunayan sa mga ebidensiya na sangkot nga sa drug trafficking ang Filipina na nahaharap sa paglabag sa Section 39B ng Malaysian Dangerous Drugs Act of 1952, sinabi ni Panelo na hahayaan na lamang nilang gumulong ang batas na ipinatutupad sa Malaysia.

Sa ilalim ng batas ng Malaysia, parusang kamatayan sa pamamagitan ng “hanging” ang naghihintay sa mga mahuhulihan ng hindi bababa sa 15 gramo ng illegal drugs.

Base sa talaan ng Department of Foreign Affairs (DFA), hindi bababa sa 48 na mga Filipino ang nasa death row sa Malaysia.

TAGS: Filipina in Malaysia, Illegal Drugs, legal assistance, War on drugs, Filipina in Malaysia, Illegal Drugs, legal assistance, War on drugs

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.