PAGASA: El Niño nasa ‘decaying’ stage na

Papahina o nasa ‘decaying’ stage na ang umiiral na El Niño batay sa karamihan ng climate models ayon sa PAGASA.

Sa 115th Climate Outlook Forum ng weather bureau araw ng Miyerkules, sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section-Climatology and Agrometeorology Division Chief Analiza Solis na babalik na sa neutral condition ang panahon sa buwan ng Agosto.

Sa ilalim ng neutral condition ay walang umiiral na El Niño o La Niña.

Magugunitang umiral ang El Niño simula noong Pebrero.

“Neutral condition is favored to emerge in September 2019 until the first quarter of 2020,” ani Solis.

Sa nakalipas na mga taong nakaranas ng El Niño phenomenon, makikita ang epekto sa loob ng ilang buwan bago bumalik sa neutral phase partikular ang mas kakaunting bagyo na pumapasok sa Philippine Area of Responsibility.

Sa susunod na anim na buwan sinabi ng PAGASA na nasa 7 hanggang 11 bagyo ang papasok sa PAR.

Dalawa hanggang apat na bagyo ang posibleng mamuo at pumasok sa bansa sa Agosto at ganun din sa buwan ng Setyembre.

Pitong bagyo pa lang ang pumapasok sa bansa sa nakalipas na pitong buwan.

Samantala, ayon kay Solis, generally near normal hanggang sa above normal rain condition ang mararanasan sa ilang bahagi ng Isabela, Metro Manila, Southern Luzon, at Bicol sa buwan ng Agosto.

Sa Setyembre naman, generally near normal ang rainfall condition sa nakararaming bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila.

Below normal rainfall ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Davao, Caraga at nakararaming bahagi ng Soccsksargen at above normal sa nakararaming bahagi ng Southern Luzon.

 

Read more...