DOH: Halos 116,000 kaso ng dengue naitala sa unang bahagi ng 2019
Halos 116,000 na mga kaso ng dengue ang naitala ng Department of Health (DOH) mula Enero ngayong taon.
Sa datos ng DOH, 491 mula sa 115,986 na nagkasakit ng dengue ang namatay.
Ayon sa ahensya, lumampas sa dengue alert threshold ang Central Luzon, Northern Mindanao, Soccksargen at Bangsamoro Administrative Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Habang lumampas sa epidemic threshold ang Calabarzon, Bicol Region, Aestern Visayas, Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula.
Sa loob lamang ng 7 buwan, ang mga kaso ng dengue sa naturang mga rehiyon ay lampas sa naitala sa nakalipas na 5 taon.
Ang lalawigan ng Iloilo ang may pinakamaraming bilang ng nagka-dengue, dahilan ng deklarasyon ng state of calamity sa lugar.
Ayon kay DOH Spokesperson Eric Domingo, nasa P9 milyong halaga ng mga gamot at equipment ang ipinadala sa Iloilo para matugunan ang problema.
Samantala, bahagyang bumaba ang kaso ng dengue sa Metro Manila kumpara sa parehong panahon noong 2018 pero hindi umano dapat magpa-kampante ang publiko.
Nagpayo ang DOH na seryosohin ang kanilang babala lalo na’t wala pang bakuna sa dengue ang naaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).
Una nang nagdeklara ang ahensya ng national dengue alert dahil sa paglobo ng bilang ng mga pasyente sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.