Inis na inutos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsibak sa hepe ng Plaza Miranda Police matapos madiskubre ang mga basura sa kahabaan ng Carriedo.
Sa kanyang pag-iikot sa ilang lugar sa Maynila Miyerkules ng madaling araw, dinaanan ni Moreno ang Carriedo at nakita niya ang mga nagkalat na basura gayundin ang pagbaba sa bangketa ng mga stalls ng mga tindero.
Sa kanyang Facebook Live ay maririnig ang Alkalde na nagtanong kung sino ang hepe ng pulisya sa Plaza Miranda.
Dismayado si Mayor Isko na wala silang madaanan dahil may mga basura sa gitna ng kalye.
“Sinong major diyan [sa Plaza Miranda]? Makakadaan pa ba? Walang daan paano pati sa gitna ng kalye eh basura, vendor. Sino nga yung major dito? Sinong [police community precinct] commander dito? Ipa-relieve yan bukas ah. Sinasabi ko na eh,” ani Moreno.
Pagdating naman sa bahagi ng Plaza Miranda ay natuwa ang Alkalde na malinis ang lugar kumpara sa Carriedo.
Matatandaan na una nang tinanggal sa pwesto ni Moreno ang hepe ng Lawton Police dahil sa mabaho at maduming Bonifacio Shrine na sakop nito.
Sinibak rin ni Mayor Isko ang anim na pulis kabilang ang hepe ng Meisic Police Station sa Manila Police Station 11 dahil sa umanoy pangongotong sa mga illegal vendors.