Sec. Guevarra at Sec. Tugade nagpulong kaugnay sa iba’t ibang isyu sa mga paliparan

By Ricky Brozas July 24, 2019 - 09:55 AM

Nakipagpulong kay Justice Secretary Menardo Guevarra si Transportation Secretary Arthur Tugade sa tanggapan ng DOTr para pag-usapan kung paano matutugunan ang ilang immigration issues sa mga paliparan.

Sa naturang pulong ay iminungkahi ni Tugade ang pagbuo ng rapid response deployment team o strike force mula sa hanay ng Manila International Airport Authority para tiyakin ang mabilis na pagproseso sa mga papaalis at paparating na mga pasahero mula sa ibang bansa nang hindi nakukumpromiso ang seguridad sa mga paliparan.

Ang bubuuing grupo ay isasailalim sa trainings na pangangasiwaan ng Immigration personnel.

Nabanggit din sa pag-uusap nina Guevarra at Tugade ang paglalagay ng karagdagang e-gates para masiguro na lahat ng immigration counters ay nababantayan.

Sa kasalukuyan, 500 immigration officers ang naka-deploy sa NAIA Terminals 1-3, sa pamamagitan ng shifting schedule.

Sabi ni Tugade, hindi dapat pairalin ang break time ng mga personnel sa paliparan lalo na kapag maraming taong nakapila dahil siguridad ng bayan ang nakasalalay.

Napag-usapan din ng dalawang kalihim na dapat himukin ng MIAA ang mga airlines na bumuo ng patakaran para sa galaw at pila ng kanilang mga pasahero.

Natalakay din sa pulong ang mga paghahanda para sa South East Asian games kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga turista sa bansa.

Nagkasundo sina Guevarra at Tugade na muling magpupulong makalipas ang isang buwan para kumustahin ang una nilang mga inilatag na mga plano at kasunduan.

TAGS: airports, DOJ, dotr, MIAA, airports, DOJ, dotr, MIAA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.