Indonesian couple nasa likod ng pagpapasabog sa Jolo Cathedral
Inanunsyo ng Indonesian police araw ng Martes na isang mag-asawang Indonesian ang nasa likod ng suicide bombing sa Jolo Cathedral noong Enero na ikinasawi ng 23 katao.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Indonesian National Police spokesman Dedi Prasetyo na isang lalaking naaresto sa Malaysia noong Hunyo na nakilalang si Yoga Febrianto ang kumilala sa mag-asawang sangkot sa pambobomba.
Si Febrianto ay may kaugnayan sa Islamic State.
Kinilala ni Febrianto ang mag-asawang suicide bombers na sina Rullie Rian Zeke at Ulfah Handayani Saleh.
Ang pag-amin ni Febrianto ay kinumpirma rin ng Islamist militant na si Novendri na naaresto naman ng pulisya noong Biyernes sa Padang, ang provincial capital ng West Sumatra.
Ayon sa source ng Kyodo News, tumungo sina Rullie at Ulfah sa Turkey taong 2016 para sumali sa Islamic State ngunit nahuli sila ng Turkish authorities at nai-deport pabalik ng Indonesia.
Sinasabing ang pagkakasangkot ng mag-asawang Indonesian sa pambobomba sa Jolo Cathedral ay nagpapakita ng pagkakahalintulad ng Islamist militants na may operasyon sa Indonesia, Malaysia at Pilipinas.
Layon umano ng mga Islamic militants na bumuo ng ‘caliphate’ sa Southeast Asian region.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.