Dismayado si Manila Mayor Isko Moreno sa nakita nitong nakakalat na mga basura at pagbabalik ng ilang stalls ng tindahan sa ilang lugar sa Maynila.
Sa kanyang sorpresang inspeksyon Miyerkules ng madaling araw na mapapanood sa kanyang Facebook live, nadiskubre ni Moreno ang mga basura sa Carriedo at ang mga stalls na bumaba sa bangketa na lampas na itinakdang lugar ng pagtitinda.
Dahil dito ay ipapatawag ng Alkalde ang commander ng PCP sa Plaza Miranda para malaman kung bakit madumi na naman sa kanyang nasasakupan.
Sunod na nilibot ni Moreno ang ilang kalye sa Divisoria area at natuwa naman ito bagamat may mga nagtitinda ay nakakadaan naman ang mga sasakyan.
Nais lamang nitong matiyak na pagdating ng alas 5:30 ng umaga ay wala ng nagtitinda sa lugar.
Sa inspeksyon sa Capulong St. at Road 10 ay pinagsabihan ni Mayor Isko ang ilang driver ng mga trak na nakaparada sa lugar dahil delikado ang mga ito sa mga motorista at dahilan kaya masikip ang kalsada.
Unang ininspeksyon ng Mayor ang Ospital ng Maynila dahil sa sumbong umano ng mga netizen ukol sa serbisyo sa pagamutan.
Ayon sa Alkalde, magpapatuloy ang kanyang pag-iikot sa lungsod kahit dis-oras ng gabi pero umapela rin ito ng tulong ng mga mamamayan.