Dominguez dinepensahan ang Landbank sa bantang pagbuwag ni Duterte
Dinepensahan ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang state-owned Land Bank of the Philippines (Landbank) makaraan ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara ito dahil sa kawalan ng aksyon para tulungan ang mga magsasaka.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), binigyan ng presidente ang Landbank hanggang sa susunod na linggo para magsumite ng plano para sa agriculture sector.
Sakaling mabigo ay sinabi ng presidente na ipabubuwag niya sa Kongreso ang bangko.
Pero ayon kay Dominguez, kumikita ang Landbank sa pamamagitan ng commercial borrowings.
Tiniyak ng kalihim na bilang miyembro ng board of directors ng bangko, regular ang kanyang pakikipag-ugnayan sa Landbank executives.
Siniguro anya ng mga ito na ginagawa ang lahat para makapagpondo ng mga proyekto para sa mga magsasaka.
Ang laki anya ng resources ng bangko bilang main depository ng government accounts ay dahilan para ikalat ng Landbank ang pondo nito sa commercial, industrial at maging sa agriculture projects.
“I’m in regular contact with the executives of Land Bank and have been assured that they are making every effort to finance projects in the agriculture sector. The size of the resources of the bank as the main depository of government accounts makes it necessary for them to deploy their funds to commercial and industrial projects as well as agriculture projects,” ani Dominguez.
Ang Landbank ay ang ikatlong pinakamalaking bangko sa bansa ayon sa datos ng Bangko Sentral.
Sinabi pa ni Dominguez na bukod sa pagpapautang, may mahalagang papel pa ang Landbank tulad ng distribusyon ng ayuda ng gobyerno para sa Pantawid Pamilyan at Pantawid Pasada beneficiaries.
Samantala, sinabi naman ng Landbank sa isang statement na tatalima sila sa kautusan ni Duterte na magsumite ng plano hanggang sa katapusan ng buwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.