Panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN ini-refile na sa Kamara
Ini-refile ni Nueva Ecija 2nd District Rep. Micaela Violago sa 18th Congress ang panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN Corporation.
Nakatakdang mag-expire sa March 30, 2020 ang prangkisa ng media network.
Sa kanyang House Bill No. 676, ipinanukala ang renewal ng franchise ng ABS-CBN para sa susunod na 25 taon.
Simula pa noong Nov. 15, 2016 ay hindi umusad ang panukala sa 17th Congress partikular sa House Committee on Legislative Franchises hanggang sa matapos ang legislative session o adjournment sine die.
Sa kanyang explanatory note sa panukala, inirekomenda ni Violago na dapat i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN para hindi matigil ang serbisyo nito sa sambayanang Filipino.
Makailang beses nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na pipigilan ang franchise renewal ng media network dahil sa hindi pag-ere ng kanyang binayarang political ad noong 2016 presidential elections.
Pero noong Lunes, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hindi ivi-veto o haharangin ng presidente ang franchise renewal sakaling makalusot na sa Kongreso.
Ayon kay Andanar, nasa Kongreso ang bola sa kapalaran ng pinakalamalaking media network sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.