Land Bank ipabubuwag ni Duterte sakaling hindi maserbisyuhan ang mga magsasaka

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso na buwagin ang Land Bank of the Philippines sakaling mabigo itong tulungan ang mga magsasaka sa bansa.

Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) araw ng Lunes, kwinestyon ng presidente ang pagiging numero unong commercial bank ng Land Bank sa bansa gayong ang mandato dapat nito ay tulungan ang mga magsasaka sa mga pangangailangang pinansyal.

“You are called Land Bank but you are now the number one commercial bank in the Philippines. What the heck is happening to you? You are supposed to finance agricultural enterprises and endeavor. Bakit wala?” ani Duterte.

Sakali anyang walang magandang plano ang Land Bank para sa mga magsasaka at puro commercial transactions ang aatupagin ay dapat na itong buwagin ng Kongreso.

Ayon sa pangulo, ibibigay na lang ang pera sa mga kongresista para maging development funds at makatulong nang diretso sa mga tao.

“I am asking Congress ‘pag wala sila, if there is no viable plan for the farmers and just all commercial transactions, abolish it and give the money to congressmen for their development funds. Mas makakatulong pa diretso eh,” giit ng pangulo.

Pinababalik ng presidente ang Land Bank sa mga kanayunan para tulungan ang mga magsasaka.

“Land Bank should go back to land. Why are you marred in so many commercial transactions? Bumalik kayo where you were created for, and that is to help the farmers. Ilang administration na wala,” ani Duterte.

Inatasan din ng presidente ang Land Bank officials na magsumite ng plano para sa mga magsasaka hanggang sa katapusan ng buwang ito.

“You better decide on that, I will give you until the end of July to give me a plan or else, I will ask Congress to reconfigure you,” babala ng presidente.

 

Read more...