Arestado ang isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na sangkot sa pangongotong sa motorista sa Sta. Cruz.
Nakakulong na sa Manila City Hall Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) si Ricardo Galit.
Una rito ay nagbanta si Manila Mayor Isko Moreno na sisibakin lahat ng tauhan ng MTPB kung hindi nila mailutang ang kasama nilang tiwali.
Nakunan si Galit sa security camera video na tumanggap ng pera na suhol mula sa motorista na lumabag sa batas-trapiko.
“Bibigyan ko kayo ng isang araw ha. Pag hindi n’yo itinuro sa akin iyung nasa video, lahat kayo tatanggalin ko,” pahayag ni Moreno sa mga tauhan ng MTPB matapos ang flag-raising ceremony sa Manila City Hall Lunes ng umaga.
Ayon kay Manila Public Information Office chief Julius Leonen, agad na tinurn-over si Galit ng MTPB sa mga otoridad.
Sa press conference ay sinabi ni Mayor Isko na kinumpiska niya ang identification card at vest ng naturang traffic enforcer.
Sinabi ng Alkalde na ginawa ni Galit ang trabaho nito nang harangin nito ang isang motorsiklo na may sakay na tatlong katao kabilang ang isang bata na walang mga helmet.
Pero ang problema anya ay tumanggap ng lagay ang traffic enforcer ng halagang P500.
“Kasalanan nung taong bayan, nung na nagmamaneho ng motor, mali ho yun ah, mali yun ah — nanay, tatay, anak, lahat sila walang helmet. Tatlo sa isang motor, hinuli niya. Tama iyon. Ang problema, tumanggap. Tanong: Paano kung hindi navideohan? Tapos andito kami sa harapan niyo nagsasa-ayos, tapos ang sinasabi pala ng tao e totoo. E buti pa vendor etneb etneb lang, e ito limang daan e,” dagdag ni Moreno.
Ikinatwiran ni Galit na natukso siyang tumanggap ng pera mula sa motorista dahil sa kahirapan.
Sinabi naman ni Moreno na sibak na si Galit bilang traffic enforcer at sasampahan ito ng kaukulang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.