Tulad ng inaasahan, nasiyahan ang mga Pro-Duterte supporter sa naging ulat sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Partikular na tinukoy ni Aleng Milinda Gascon ang paglaban sa droga ng gobyerno at pagpapatuloy pa sa kampanya laban sa mga salot sa lipunan na bumibiktima sa kabataan.
Para naman kay Kristina Alameda, nabuhayan umano siya sa sinabi ng pangulo na huwag matatakot na isumbong ang mga tiwala at abusado sa gobyerno.
Naniniwala naman si Mang Teofilo Ragas na kaya pang supilin ng gobyerno ang katiwalian hanggat may pakikiisa ng sambayanan sa mga hangarin ng presidente.
Daan-daan ang mga matiyagang nakinig sa SONA ng pangulo sa IBP road kung saan nagkaroon ng programa ang mga pro-Duterte group.
Kapansin-pansin din ang pamamayagpag ng kulay puting t-shirt na suot-suot nila na ang karamihan ay mga tagasuporta ni Senador Christopher “Bong” Go.
Pangkalahatan namang naging payapa ang kanilang pagdaraos ng programa at walang gulo na naitala ang Quezon City Police District (QCPD) forces na nagbantay sa kanilang hanay.