Duterte: Mga Chinese pagbabawalan sa WPS sa takdang panahon
Ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa takdang panahon ay ipagbabawal niya ang pangingisda ng mga Chinese sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng bansa.
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ay muling sinabi ng pangulo na dapat maging maingat ang pamahalaan sa anumang plano sa West Philippine Sea.
“On West Philippine Sea, it is a delicate balance. Some are saying we should stop those [Chinese] from fishing in our economic zone. Of course, we will, in due time,” ayon sa pangulo.
Ipinaliwanag rin ng pangulo na hindi ngayon ang tamang panahon para tapatan ng pwersa ng pamahalaan ang ginagawang pananakop ng China sa lugar.
Tiyak na mapapatay lamang ang mga sundalo sakaling mag-deploy siya ng military personnel sa lugar ayon pa sa pangulo.
“Ipadala ko Marines ko to drive away Chinese? Not one of them will come home alive. ‘Yung bagong frigate? Ubos ‘yan, because there are guided missiles there,” dagdag pa ni Duterte.
Ipinaliwanag rin ng pangulo na mananatili ang maayos na sitwasyon sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea sa pamamagitan ng ugnayan ng mga claimant-countries.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.