Lalaki, natagpuang patay sa isang tulay sa Talisay City

Natagpuang patay ang isang lalaki na nakasabit sa Mananga Bridge sa Talisay City, Cebu Lunes ng umaga.

Ayon kay Capt. Nazareno Emia, deputy chief ng Talisay City Police Station, kinilala ang biktima na si Reynante Otero, kwarenta y uno anyos na residente ng Sitio Ilang-Ilang sa Barangay San Isidro.

Mayroong tama ng bala sa katawan ni Otero at nakabalot ang mukha ng karton na may sulat na “Ayaw ko sunda, tulisan ko” o ang kahulugan ay “Huwag akong tularan, Magnanakaw ako.”

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Emia na nakulong si Otero noon dahil sa iba’t ibang kaso na may kinalaman sa pagnanakaw, ilegal na droga at illegal possession of firearms.

Ito rin aniya ang impormasyon na nakuha nila mula sa mga kapitbahay ng biktima.

Sa Facebook post ni Talisay City Mayor Samsam Gullas, sinabi nito na pinaniniwalaang kabilang ang suspek sa isang robbery group.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung ano ang motibo sa pamamaslang.

Read more...