Pro-Duterte groups magsasagawa rin ng rally ngayong araw
Nasa 10,000 katao ang inaasahang magsasagawa rin ng mga pagkilos bilang suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) nito sa Batasang Pambansa mamayang hapon.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, nakipag-ugnayan ang pro-Duterte groups sa pulisya hinggil sa gagawin nilang mga aktibidad.
Inatasan ang pro-Duterte rallyists na okupahin ang IBP Road sa kahabaan ng Sinagtala St. malapit sa Polytechnic University of the Philippines – Commonwealth.
Tulad anya ng sa anti-Duterte rallyists, may security plans para sa pro- Duterte groups at sinumang mga lalabag sa batas ay hindi makaiiwas sa pag-aresto.
Umapela si Eleazar sa mga lider ng pro-Duterte groups na huwag lumapit sa mga anti-Duterte rallyists para lang magsabi ng mga pang-iinsulto upang maiwasan ang mga kaguluhan.
Tulad sa mga anti-Duterte groups, pinayuhan din ang pro-Duterte rallyists na huwag magdala ng backpacks at jackets.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.