Ilang lugar gagawing ‘open city’ para sa SONA protesters
Magsisilbing ‘open city’ para sa mga anti-Duterte rallyists ang Commonwealth Avenue at ilang lugar malapit sa Batasan Pambansa sa Quezon City kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar halos lahat ng hiling ng mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta ay pinagbigyan nila.
Kasabay nito ay iginiit anya ng pulisya na dapat maiwasan ang marahas na mga komprontasyon at nasa SONA lamang sila para matiyak ang peace and order kasabay ng paggalang sa karapatang mamahayag ng mga demonstrador.
“During our meetings, we made it clear to them that we do not want confrontations, especially violent ones. We told them that will be at the SONA to do our job of ensuring peace and order while at the same time, respecting their rights to assemble and air their grievances, ani Eleazar.
Posible anyang umabot sa 15,000 ang anti-Duterte rallyists ngayong taon na papayagang magtipon-tipon sa harapan ng St. Peter’s Church sa commonwealth Avenue.
Habang ang pro-Duterte rallyists naman ay sa IBP Road pinayagang magsagawa ng pagkilos.
Layon ng paghihiwalay sa dalawang pwersa na maiwasan ang anumang komprontasyon.
Maximum tolerance ang paiiralin ng mga pulis at ipinagbawal ni Eleazar ang pagdadala ng mga pulis ng shields at batuta maliban na lamang kung kakailanganin.
Iiwan ang naturang mga kagamitan sa loob ng mga sasakyan at kalapit na police posts.
Naniniwala si Eleazar na ang mga police shields at batuta ay nag-iimbita lamang ng karahasan sa mga raliyista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.