VP Robredo sa isinampang sedition: ‘Hindi naman tayo sobrang bobo’
Mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo ang akusasyong may kaugnayan siya sa ‘Ang Totoong Narcolist’ videos na naging dahilan para siya ay sampahan ng kasong sedition at ibang kasong kriminal.
Sa kanyang radio program araw ng Linggo, iginiit ng bise presidente na hindi siya bobo para pataubin ang presidente na mayroong napakataas na rating sa pamamagitan ng isang tao na anya’y sinungaling.
“Hindi naman tayo sobrang bobo na nag-iimagine tayo na mapapataob natin ang napaka… ang presidente na napakataas ang rating na gagamitin itong isang tao na obviously sinungaling,” ani Robredo.
Sinabi pa ng bise presidente na lalong hindi magagawa ng oposisyon na gumawa ng mga hakbang laban sa presidente sa gitna ng kampanya kung saan naging kulang ang kanilang panahon para maikot ang bansa.
Dismayado si Robredo sa posibilidad na nagamit o nanggamit ang PNP sa pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
“Kapag sinabi kong either nagamit sila, kasi iyong mga statements madali namang ma-verify. Hindi ba sila nag-verify, para hindi naman sila napapahiya? O iyong sa kabilang banda, baka naman sila iyong nanggamit. Gusto lang nilang hanapan ako ng problema, ang ginamit naman nila itong sinungaling na witness,” ani Robredo.
Magugunitang noong nakaraang linggo, sinampahan si Robredo at ang iba pang personalidad ng kasong sedition dahil sa umano’y kaugnayan sa ‘Bikoy videos’ na nagsasabing may koneksyon ang Pamilya Duterte sa kalakalan ng iligal na droga.
Samantala, kinumpirma ni Robredo ang kanyang pagdalo sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.