Gwardya patay, cashier sugatan sa pamamaril sa gasolinahan Misamis Oriental
Patay ang isang security guard habang sugatan ang isang cashier matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem na nangholdap sa isang gasolinahan sa Villanueva, Misamis Oriental, araw ng Linggo, July 21.
Ayon sa pulisya, kinilala ang biktima na si Dominico Servandel, 22 anyos, security guard sa Phoenix refueling station sa Brgy. Katipunan.
Nakatulog ang gwardya nang dumating ang mga suspek pasado alas-3:00 ng umaga.
Isa sa mga suspek na nakilalang si Reymark Pumatong, 27 anyos, ang kumuha sa shotgun ni Servandel at binaril ang ulo nito na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Samantala, pinukpok din ni Pumatong ang salamin ng cashier’s booth kung saan binaril niya ang kaherang si Axcel Rose Gemino, 25 anyos na apat na buwang buntis.
Natangay ni Pumatong ang P25,000 kita ng gasolinahan kasama ang isa pang suspek na nakilalang si Bernie Doldol, 28 anyos, na nagsilbing lookout.
Naisugod agad sa ospital si Gemino.
Napag-alamang sina Pumatong at Doldol ay kapwa kasamahan ni Servandel sa Lux Interna security agency.
Nakilala ang dalawa sa pamamagitan ng CCTV cameras ng gasolinahan.
Naaresto na ang mga suspek na ngayon ay mahaharap sa mga kasong robbery with homicide at frustrated homicide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.