Ilang parte ng Manila Skyway at C5 South Link bubuksan sa mga motorista
Bubuksan ang ilang parte ng Metro Manila Skyway Stage 3 at C5 South Link Project sa ngayong linggo, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na bubuksan sa mga motorista ang 3.76-kilometer section ng Skyway na nagkokonekta sa Buendia hanggang Plaza Dilao Ramp simula sa Lunes, July 22.
Ani Villar, hindi pa kumpleto ang konstruksyon sa Skyway Stage Section 1 ngunit bubuksan aniya ang dalawang lane nito, tig-isa sa north at southbound.
Makatutulong aniya itong mabawasan ang sikip sa daloy ng trapiko sa ilang kalsada sa lugar.
Magkokonekta ang buong 18.68-kilometer elevated toll road sa Gil Puyat Avenue sa Makati City hanggang North Luzon Expressway (NLEx) sa Balintawak sa Quezon City.
Samantala, maliban dito, bubuksan din sa mga motorista ang C5 South Link Segment 3A-1 mula Merville hanggang C5 sa Martes, July 23.
Ang C5 South Link ay 7.70-kilometer expressway na nagkokonekta sa R1 Interchange hanggang Sucat Interchange.
Tiniyak naman ni Villar na nagdodoble-kayod ang kagawaran para tuluyan nang matapos ang mga proyekto sa lalong madaling panahon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.