“Success” at “Failure Stories” ng Duterte administration sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo July 21, 2019 - 02:10 PM

RTVM screengrab

Bukas, ibabandera ng Pangulo ang mga accomplishments sa una niyang tatlong taon at mga planong gagawin hanggang 2022. Siyempre, iba-iba ang magiging reaksyon pero sa akin, limang “success stories” lamang ang pwede kong tanggapin.

Una, dinagdagan ng Pangulo ang “take home pay” ng bawat empleado, gobyerno o pribado, nang bawasan niya ang taunang “personal income tax” mula 32% hanggang 20% at nabiyayaan ang mga “above-minimum wage” at mga “middle income earners.” Libre na sa buwis ang mga kumikita ng P20,833 bawat buwan o P250,000 bawat taon. Pero iyong malaki ang sweldo o 700,000 bawat buwan o P8 milyon pataas ay papatawan ng mas mataas na 35% tax.

Dahil sa kinaltas na buwis, nagkaroon ng “additional disposable income” tayong mga empleyado na magagamit sa pag-invest o kaya’y pambayad sa matrikula, credit card, o kumuha ng educational plan o life insurance.

Dinobe din ang mga sweldo ng pulis at sundalo. At sa gobyerno, patuloy na salary standardization sa mga empleyado kasama na ang teachers. Sa madaling salita, lahat ng taong nagtatrabaho ay nagkaroon ng “pay increase.”

Ikalawa, lubusang bumaba ang national crime index statistics. Sa Metro Manila, 58% ang pagbaba ng mga krimen at sa buong bansa ay 18%. Ito’y nangangahulugan ng mas mapayapang lipunan, kung saan ang mga kriminal, kabilang na ang mga corrupt na pulis at mga sindikato at siga-siga sa bawat lugar ay napaparusahan. Ramdam na ramdam ngayon ang mas ligtas na lipunan dahil ang mga kriminal, sibilyan man o unipormado, ay hinahabol ng mga otoridad.

Ikatlo, ang “Build-Build-Build projects” na mararamdaman natin sa 2019-2022 tulad ng Mega Manila Subway, Common station ng MRT3-MRT7 at LRT1 sa SM at Trinoma, QC kasama na ang extension ng LRT1 sa Cavite/LRT 2 sa Masinag, Antipolo, Skyway 3 project, North-South Luzon connector project, Ortigas-Bonifacio global city road link project , NLEX Harbor link, C5 South link, TPLEX hanggang Laoag Ilocos Norte, SLEX toll road 4 to Quezon province , C5 south link road na magkokonekta sa Taguig at Parañaque, Las Piñas at Cavite.

Isama pa ang riles, kung saan nakabalik na ang PNR sa biyaheng Caloocan hanggang De la Rosa Makati na ngayo’y paabutin pa ng Sangandaan at Malabon. Nandyan din ang pagsisimula ng North South commuter railway mula Clark na tatawid ng Metro Manila hanggang Calamba, Laguna. Mga proyektong malaking solusyon sa Traffic at mas magandang karanasan ng mga commuters sa hinaharap.

Ikaapat, ang “libreng college education” sa mga state colleges and universities, idagdag pa ang mga mayayamang local governments na merong libreng unibersidad tulad ng Makati, Maynila, Makati, QC at iba pa. Merong bagong napirmahang 20% discount sa mga estudyante sa lahat ng uri ng public transportation maging land-sea-air. Malaking dagdag panggastos sa bawat pamilya.

Ikalima, ang patuloy na AFP modernization para magkaroon tayo ng “minimum credible defense” sa ating 7,100 islands. Meron na tayong squadron ng FA-50 fighter jets, surface to air missiles, attack helicopters,warships, frigates, Coast guard patrol ships at magkakaroon ng “submarine” sa 2020.

Ang mga ito ang tanggap kong “success stories” ng Duterte administration. Isusunod kong paksa ang lima nilang kapalkapan.

TAGS: Pangulong Rodrigo Duterte, SONA 2019, Pangulong Rodrigo Duterte, SONA 2019

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.