Patay sa dengue sa unang 7 buwan ng 2019, umabot na sa 491

MICHAEL JAUCIAN

Umabot na sa 491 ang namatay sa sakit na dengue, karamihan ay mga bata, sa buong bansa sa unang pitong buwan ng taong 2019.

Ang naturang bilang ang dahilan ng deklarasyon ng Department of Health (DOH) ng national health emergency dahil sa banta ng paglaganap ng dengue.

Ito ay mas mataas ng 155 na pagkamatay kumpara sa bilang noong 2018 kung saan 336 ang naitalang nasawi dahil sa sakit.

Base sa huling datos ng DOH, ang kaso ng dengue sa bansa ay tumaas ng 22 percent o 5,744 mula June 30 hanggang July 6 ngayong taon kumpara sa 4,703 na kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Iniulat din ng DOH na nasa 115,986 kaso ng dengue ang naitala mula January 1 hanggang July 6, 2019 o halos doble ng bilang na 62,267 sa parehong panahon noong 2018.

Dahil dito ay idineklara ng ahensya ang epidemya ng dengue sa 5 rehiyon.

Halos one fourth ng mga kaso o 23 percent ay mga bata na may edad 5 hanggang 9 anyos at 19 percent ay mga batang mula 10 hanggang 14 anyos.

Samantalang mas maraming lalaki kaysa babae ang nagka-dengue na nasa 52 percent o mahigit sa kalahati habang 48 percent ng mga pasyente ay mga babae.

Una nang idineklara ni Health Sec. Francisco Duque III ang national health emergency sa gitna ng pagdami ng kaso ng degue.

Ang lamok na aedes egypti ang main carrier ng dengue virus na naisasalin sa pamamagitan ng kagat ng lamok.

 

Read more...