Mga basura sa Manila Bay dulot ng Habagat, nilinis sa isinagawang Manila Bay clean-up

Nagkaisang magtulong-tulong ang daan-daang mga volunteer na linisin ang mga basurang nagkalat sa dalampasigan ng Manila Bay sa tinaguriang Las Pinas-Parañaque Critical Habitat Ecotourism Area malapit sa Coastal Road, Sabado ng umaga.

Dakong alas-6 ng umaga nagsimula ang paglilinis ng mga nagkalat na basura na ilang kilometro ang haba sa baybayin ng Manila Bay.

Linggo linggo ang isinasagawang paglilinis sa nasabing lugar magmula pa noong magbukas ang Manila Bay Cleanup project.

Ngunit sa isinagawang cleanup drive ngayong araw ay mas maraming basura ang kinailangang hakutin ng mga volunteer dahil naipon ang mga ito sa loob ng ilang araw na pag-ulan at malakas na alon na dala ng nagdaang bagyo at habagat.

Ayon pa sa empleyado ng Parañaque City Environment and Natural Resources Office, walang mga basura sa nasabing dalampasigan matapos nilang magsagawa ng sama-samang cleanup noong nakaraang Sabado.

Samantala, nanawagan naman si Sen. Cynthia Villar na dumalo din sa nasabing cleanup drive sa mga lokal na pamahalaan na sana ay hinigpitan pa nila ang pagpapatupad at pagsunod sa Solid Waste Management Law upang masiguradong hindi sa tubig itinatapon ang mga basura mula sa kani-kanilang lugar.

Nanawagan din ang senadora na sana ay mas lalo pang pagandahin ang mga waste water recycling facilities upang hindi sa dagat napupunta ang mga tubig na nagamit na.

Nakipagkaisa rin ang mga tauhan ng Maynilad at Manila Water sa isinagawang Manila Bay Cleanup project.

 

Read more...