Asawa ni Yeng Constantino naaksidente sa Siargao; nagkaroon ng memory loss

By Rhommel Balasbas July 20, 2019 - 03:30 AM

Screengrab of Yeng Constantino video

Ibinahagi ng singer-composer na si Yeng Constantino ang masalimuot na karanasan kasama ang asawa na si Yan Asuncion nang sila ay magbakasyon sa Siargao, Surigao del Norte.

Sa post sa Facebook at Instagram, sinabi ni Yeng na naaksidente si Yan matapos mag-cliff diving sa isang lagoon sa nasabing sikat na tourist destination.

Dahil sa insidente ay nagkaroon umano ng memory loss ang kanyang asawa.

Agad naman silang nakatawag ng ambulasya para dalhin ang kanyang asawa sa ospital sa Del Carmen.

Gayunman, matapos ang first aid ay pinayuhan sila ng isang medical personnel na dalhin sa Dapa Siargao Hospital si Yan dahil mas kumpleto ang gamit sa nasabing ospital.

Pero hindi inaasahan ni Yeng ang mga sumunod na pangyayari dahil walang operator ng X ray at kinailangan pang tumawag ng iba pang personnel mula naman sa General Luna Siargao Hospital.

Ultrasound pa umano ang ginamit para makita kung may fracture at brain hemorrhage ang kanyang asawa.

Bukod dito, binatikos din ni Yeng ang umano’y pagiging masyadong kalmado at kawalan ng ‘urgency’ ng doktor sa nasabing ospital.

Ibinahagi pa ng singer ang larawan at pangalan ng nasabing doktor na umani naman ng batikos mula sa mga netizens.

Nanawagan si Yeng sa gobyerno na aksyunan ang isyu dahil kawawa umano ang mga turista at ang mga lokal.

Iginiit ni Yeng na habang umaangat ang turismo sa Siargao ay dapat ding gumanda ang kalidad ng mga ospital at serbisyong medikal para sa mga tao.

TAGS: aksidente, batikos, brain hemorrhage, cliff diving, Dapa Siargao Hospital, fracture, General Luna Siargao Hospital, lagoon, memory loss, netizens, siargao, ultrasound, urgency, x-ray, Yeng Constantino, aksidente, batikos, brain hemorrhage, cliff diving, Dapa Siargao Hospital, fracture, General Luna Siargao Hospital, lagoon, memory loss, netizens, siargao, ultrasound, urgency, x-ray, Yeng Constantino

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.