Malacañang sa sedition case vs Robredo at iba pa: Wala kaming kinalaman diyan

By Rhommel Balasbas July 20, 2019 - 02:58 AM

Itinanggi ng Palasyo ng Malacañang na may kinalaman sila sa pagsasampa ng sedition at iba pang criminal charges laban kay Vice President Leni Robredo at iba pang personalidad kaugnay ng paglalabas sa ‘Ang Totoong Narcolist’ videos.

Sa pahayag araw ng Biyernes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang kinalaman ang Palasyo sa mga reklamo laban sa bise presidente at si alyas ‘Bikoy’ naman anya ang nasa likod nito.

“First, we have nothing to do with that complaint against the Vice President and senators. That’s basically the complaint of Bikoy. “We do not know anything about it. We have nothing to do with it and we will just let the law take its course,” ani Panelo.

Hindi umano maituturing na political harassment ang pagsasampa ng kaso dahil wala namang papel dito ang administrasyon.

Magugunitang lumutang ang lalaking nagpakilalang si Peter Joemel Advincula at sinabing siya si Bikoy – ang nasa likod ng paglalathala ng mga videos na nagsasabing may kaugnayan ang pamilya Duterte sa kalakalan ng iligal na droga ngunit binawi ito kalaunan.

Sa kasong isinampa ng PNP – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ), parehong nakatala si Bikoy bilang saksi at akusado sa kaso.

Ayon sa kalihim, ang inihaing reklamo ay pagkakataon para kina Robredo at iba pang respondents para maipagtanggol ang kanilang sarili.

Sinabi naman ng kampo ng pangalawang pangulo na kwentong kurtsero ang kasong inihain ng PNP-CIDG at panggigipit lamang ito.

 

TAGS: Ang Totoong Narcolist videos, Malakanyang, Palasyo, PNP-CIDG, political harassment, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sedition, Vice President Leni Robredo, walang kinalaman, Ang Totoong Narcolist videos, Malakanyang, Palasyo, PNP-CIDG, political harassment, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sedition, Vice President Leni Robredo, walang kinalaman

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.