NCRPO naka-full alert na para sa SONA
Isinailalim na sa full-alert status ang buong pwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) simula alas-12:01 ng hatinggabi (July 20) bilang paghahanda sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, July 22.
Ayon kay NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, nasa 14,000 pulis ang ipakakalat para tiyakin ang peace and order at seguridad ng publiko sa kasagsagan ng SONA.
Ang paglalagay sa full alert ng 28,000 miyembro ng NCRPO ay nangangahulugang nakastandby ang lahat ng pulis at handang maipadala kung saan sila kinakailangan.
Sa kabuuang bilang ng idedeploy na pulis, 9,162 ang ipakakalat malapit sa Batasang Pambansa at sa mga lugar na magsasagawa ng kilos-protesta ang pro at anti-Duterte rallyists.
Magsisimula ang deployment ng mga pulis alas-5:00 ng hapon.
Muling sinabi ni Eleazar na walang banta sa seguridad na namamataan ang pulisya ngunit may inihandang contingency plan sakaling muling ulitin ni Duterte ang ginawa noong 2017 na pagharap sa mga raliyista.
Samantala, magpapalakas sa deployment ng pulis ang pwersa mula sa Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.