Robredo hindi takot harapin ang mga kaso laban sa kanya
Handa si Vice President Leni Robredo na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng alegasyon na may kinalaman ito sa mga video na nagdawit sa pamilya Duterte sa droga.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, hindi takot ang Pangalawang Pangulo na harapin ang mga kaso at sumailalim sa legal na proseso dahil sanay naman na anya ito sa “political harassment.”
“Handa naman humarap si VP (Robredo) sa kahit na anong proseso. Sanay na kami sa ganitong harassment. Pero malinaw na harassment ito. Hindi ito isang lehitimong kaso na mayroon talagang matibay na batayan,” ani Gutierrez.
Iginiit ni Gutierrez na walang katotohanan ang mga kaso, pawang mga imbento at kuwentong kutsero o tsismis lamang.
Nanindigan din ang kampo ni Robredo na hindi sapat ang testimonya ng nagpakilalang si Bikoy na si Peter Joemel Advincula bilang ebidensya laban sa Bise Presidente.
Sa kanyang pagbaliktad ay sinabi ni Advincula na si Robredo at mga kaalyado nito sa Liberal Party ang nasa likod ng pagsangkot sa pamilya ng Pangulo sa kalakalan ng illegal na droga.
Pero kinuwestyon ng abogado ang timing ng pagsasampa ng kaso ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Kabilang sa mga isinampang kaso laban kay Robredo ang sedition dahil sa umanoy planong pagpapatalsik sa pwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.