Inilabas ni Moreno ang Executive Order No. 8 kung saan inutos nito ang pagtatayo ng one-stop shop para sa pagkuha ng mga business permits.
Layon ng hakbang na mapabilis at maging madali ang proseso ng pagnenegosyo sa Maynila.
“This is one way of fulfilling our promise to Manileños that we will promote ease of doing business in the City of Manila,” ani Moreno.
Inanunsyo ng Alkalde ang naturang EO sa kanyang “Capital Report” na nasa Facebook live nito.
Nais ni Mayor Isko ang “streamlining” ng pagkuha ng iba’t ibang dokumento gaya ng business license, clearance, permit, certification at authorization.
Binanggit ni Moreno na matagal na naghihintay ang mga tao kapag kumukuha ng permit pero sa one stop shop anya ay isang araw lamang ay mayroon ng business permit.
“You used to wait for so long for a permit. Sometimes it takes eight days or even more. Now, it will just take one day and you will have your permit,” dagdag nito.
Nasa ilalim ng “Bagong Manila Business One Stop Shop” (BOSS) ang sumusunod na tanggapan sa Manila City Hall: Bureau of Permits and License Division; cash division ng City Treasury, City Planning at Development Office-Zoning Division; City Engineering-Building Office kabilang ang Electrical Division, Manila Health Department, Electronic Data Processing at iba pang regulatory offices ng lokal na pamahalaan.
Ilulunsan ang BOSS sa Manila City Business Center/Taxpayers’ Lounge sa Manila City Hall sa Lunes, July 22.