Business groups inihirit kay Pangulong Duterte na i-veto ang ‘end endo bill’
Kapag walang nangyaring Executive action hanggang sa susunod na linggo, magiging batas na ang ‘End Endo’ Bill.
Bunga nito, umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang business groups para i-veto ang panukalang-batas na layon mawakasan na ang kontraktwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa.
Katuwiran ng 13 local at foreign business chambers may mga batas na para protektahan ang mga manggagawa sa ‘endo’ o end of contract.
Binanggit ng mga ito ang Department Order No. 174 ng DOLE na inisyu noong March 2017 at ang Executive Order No. 51 na inilabas naman ng Malakanyang noong May 2018.
Dagdag pa ng mga ito, maaring magkaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ang panukala, maging sa mga manggagawa na rin.
Sinabi ng mga grupo ng negosyante, mismong ang DOLE ang nagsabi na hanggang noong nakaraang Mayo, kalahating milyong contractuals ang naging regular na kaya’t sapat na ang dalawang direktiba.
Noong Mayo 22, inaprubahan ng Senado ang panukala at ito ay inadopt na lang ng Kamara kaya’t hindi na ito dumaan sa bicameral conference committee.
Ipinadala sa Malakanyang ang panukala noong nakaraang June 27 at sa darating na July 27 kapag walang ginawang aksyon si Pangulong Duterte ay magiging ganap na rin ito na batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.