Dumayo pa sa United Kingdom ang ilang mga Philippine law enforcement officials para masilayan ang posible nilang gawing modelo na paghahanguan ng itatatag na Bangsamoro police oras na maisabatas na ang Bangsamoro Basic Law.
Sa tulong ng British Council, nagpunta sa North Wales para sa isang immersion kasama ang North Wales police noong nakaraang buwan ang isang study group na binubuo ng 12 miyembro.
Bahagi ang study tour ng community policing project para sa Bangsamoro sa Mindanao na pinondohan ng British Council na isang international organization ng UK para sa cultural relations.
Dito nakita ng study group o technical working group (TWG) kung paano mas napapalawig at napapaigting ang seguridad sa mga komunidad sa North Wales sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mismong mga residente sa mga pulis.
Mayroong 1,500 pwersa ang North Wales police na may 250 police community support officers (PCSO) na nagbabantay sa kanilang mamamayan na umaabot sa 687,000.
Sa North Wales kasi, maganda ang teknolohiyang ginagamit ng pulisya sa pagbabantay at pagbibigay seguridad sa kanilang mga mamamayan. Bukod dito, mayroon silang anim na panuntunan o “force ground rules” tulad ng pagtrato ng patas sa lahat, pagrespeto sa lahat, pagsuporta sa isa’t isa, mahalaga ang kanilang ginagawa at sinasabi, at mahalaga rin kung ano ang nakikita sa kanila ng mga tao.
Malaking tulong rin ang naibibigay ng mga residente sa pagsasabi kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin ng pulis.
Bukod sa pagsugpo sa krimen, katuwang rin ng mga residente ang mga pulis sa mga gawaing hindi mo aakalaing gagawin ng mga tagapagpatupad ng batas tulad ng maghanap ng mga nawawalang kabayo, pagbabantay sa mga bahay ng mga pamilyang nakabakasyon at pati sa mga matatandang mag-isang naninirahan sa kanilang bahay.
Natuwa rin ang TWG ng Pilipinas sa mga kagamitan ng mga pulis para matiyak ang seguridad sa mga nakatalagang lugar sa kanila.
Malaki ang tiwala ng mga tao sa pwersa ng pulis dahil sa kredibilidad na dala nila, na nagmumula sa tapat nilang paglilingkod sa komunidad.
Binubuo ang TWG nina Police Chief Supt. Wilfredo Franco, PNP director for Community Relations Service; Police Chief Supt. Ronald Estilles, police regional director for the ARMM; Atty. Manuel Fontanal, regional director of the National Police Commission; Dr. Rodney Jagolino, director of the Center for Policy and Strategy of the Philippine Public Safety College; Brig. Gen. Buenaventura Pascual, chief of the Armed Forces of the Philippines’ Peace Process Office; Atty. Anwar Malang, regional secretary of the Department of Interior and Local Government in the ARMM; Naguib Sinarimbo, Moro Islamic Liberation Front lawyer; Kathline Tolosa, Security Reform Initiatives convenor; Paul Adolfo, Mindanao projects officer of Conciliation Resources; at British Council project officers Garie Briones, Maria Angela Abad at Mereniza Gomez.