Sweldo, presyo ng bilihin, trabaho at isyu sa West PH sea nais madinig ng publiko sa SONA ng pangulo – Pulse Asia survey
Ang sweldo ng mga manggagawa, presyo ng pangunahing bilihin, trabaho at usapin sa West Philippine Sea ang ilan lamang sa nais ng publiko na marinig kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address.
Ito ang lumitaw sa survey na isinagawa ng Pulse Asia mula June 24 hanggang 30.
Sa nasabing survey, 17.1 percent ng respondents ang nagsabing nais nilang talakayin ng pangulo ang sweldo ng mga manggagawa.
17.1 percent din ang nais na talakayin ng pangulo ang mataas na presyo ng bilihin, 15.2 percent naman ang nagsabing nais nilang marinig ang plano ng pangulo tungkol sa paglikha ng maraming trabaho.
Mayroon namang 9.2 percent ng Filipino adults ang nagsabing nais nilang marinig ang pahayag ng pangulo tungkol sa sigalot ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa nasabing datos, 6.1 percent ang nagsabing nais nilang madinig ang opinyon ng presidente at igiit nito ang soberanya ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.
Habang 3.1 percent ang nagsabing dapat ipaliwanag ng pangulo ang polisiya ng bansa tungkol sa pag-angkin ng China sa teritoryo.
Tinanong ang mga respondente sa kung ano ang nais nilang talakayin ng pangulo sa kaniyang SONA.
Lumitaw din sa survey na 75 percent ng mga Pinoy ang may nalalaman sa mga nagdaang SONA ng pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.